Ipinagdiriwang noong Agosto 29, 2025 ang selebrasyon para sa Buwan ng Wika at Kasaysayan ng mga mag-aaral sa Don Bosco School Manila, na may temang, β€œPaglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa.” Sama-samang ipinakita ng mga Bosconians kung paano pinapahalagahan at pinagyayaman ng mga Pilipino ang ating wika, tradisyon, at mga bayani. Ito ay nagbibigay-diin sa kahalagahan ng wika bilang instrumento ng pagkakaisa at pagkakaunawa sa ating bansa. Ang selebrasyong ito ay hindi lamang pagbabalik-tanaw kundi pagpapaalala rin na dapat ipagmalaki at mahalin ang ating pinagmulan.

Malikhaing nagtanghal ang mga piling Bosconian sa bawat pangkat at pinakita ang kanilang kahusayan at dedikasyon. Nagkaroon ng mga patimpalak tulad ng sabayang pagbigkas, pag sayaw, pagtula at pag-awit na naglalayong ipalaganap ang kahalagahan ng wikang Filipino. Mula sa makukulay na kasuotan, palarong pinoy, salo-salo, hanggang sa pagpapakita ng galing at kakayahan ng ating mga Bosconians β€” tunay ngang buhay na buhay ang diwa ng ating Wikang Pambansa. Itinuturo rin dito na ang wika ang nagiging tulay ng komunikasyon at pagkakaunawaan ng bawat Pilipino mula sa iba’t ibang rehiyon. Sa pamamagitan ng ating sariling wika, naipapahayag natin ang ating damdamin, kultura, at kasaysayan. Gayundin, nagiging daan ito upang maipasa ang ating paniniwala, at tradisyon sa susunod na henerasyon. Ang Buwan ng Wika ay paalala na ang wika ay hindi dapat kalimutan o balewalain, at dapat ay ingatan at payamanin bilang mahalagang bahagi ng ating kasaysayan.

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika at Kasaysayan ay higit pa sa isang selebrasyon, ito ay isang panawagan upang patuloy na gamitin at mahalin ang wikang Filipino. Bilang isang Bosconian, sa paggamit ng ating sariling wika, pinatutunayan natin ang ating pagmamahal sa bayan at paggalang sa ating kultura. Nagsisilbi itong pagtatatag ng pagkakaisa ng bawat Pilipino sa kabila ng pagkakaiba-iba. Kung patuloy natin itong pahahalagahan, mananatiling buhay at makapangyarihan ang ating wika. Sa huli, ang wika ang magiging gabay natin tungo sa mas matibay at nagkakaisang bansa. Tunay ngang ang ating pagkakaisa at pagmamahal sa sariling wika ang nagbigay kulay at sigla sa ating pagdiriwang!

By: Aliyah Tempra

Feature and Literary Writer of SPARKS